Monday, March 10, 2014

Obscure Bible Verses #12: Ezekiel 4: 12: Inutusan ng Dios si Ezekiel na magluto gamit ang ebs ng tao bilang panggatong


Kamakailan laang e kumalat ang isang pekeng balitang merong misteryosong sakit na kumakain ng balat ng tao sa Pangasinan. Ikinakabit nila nang pilit ang leprosy at psoriasis sa isa sa mga hula ng isang Bumbay na propeta. Tanda raw na ba ito ng darating na Pagwawakas? Bago pa ang propetang itong bumisita sa Araneta e meron nang mga propetang ipinadala ang Dios para ipamahagi ang walang kamatayan niyang blackmail, este, mensahe: Mahalin nyo ako o kung hinde...

Ito e mababasa sa libro ng Ezekiel. Hindi magpapahuli sa Revelations ang mga imahe sa libro ni Ezekiel, na isa sa mga pinakamalulupet na propeta. At gaya ng ibang propeta, naatasan ng Dios si Ezekiel na ipamuka sa Israel ang kanilang kasamaan at pagtalikod sa kanya. Kung anu-ano ang inutos sa kanya ng Dios para gawin para maipadala ang mensahe sa Israel na magbago, magbalik-loob at talikdan ang mga karibal na diyos. 
Pwedeng pam-PSA ang mga imaheng ito para ilayo kayo sa bad trip ng droga.
Pinaahit sa kanya ang buhok nya at pinasunog ang ilan at pinasaboy sa kung saan-saan ang iba para ilarawan ang mangyayaring pagkapuksa at pagkakawatak-watak ng Israel. See, simbolismo?! Parang buhok ni Ezekiel e matutupok at magkakawalay-walay ang mga Hudyo. 

Pinakain pa sya ng kalatas na ayon sa ke Ezekiel e kasingtamis naman ng pulot. Kung nagtataka ka kung bakit kakain ng kalatas ang isang taong nasa katinuan, tanungin mo ang sarili mo: Pag merong lumawit na higanteng kamay sa langit at inabutan ka ng kalatas, magagawa mo bang sumuway? Kung ako yun, malamang e magtatanong na laang ako kung merong toyo't suka. 

Kung tinatanong mo rin kung bakit hindi na laang basahin ang mensahe sa kalatas sa halip na kainin ang papel? Kaya ka tao at hindi diyos e dahil sa ganyang mentalidad mo. Asan ang magic run kung babasahin laang? Isa pa, ilang segundo laang ang kumain ng papel kesa magbasa nang ilang minuto. Hindi mo ba naiisip minsang mas madali laang ang lahat kung pwedeng maintindihan ang text books mo kung kakainin sa imbes na basahin?  

Pinahiga rin sya ng 390 araw nang patagilid sa kaliwa, isang araw katumbas ng bawat isang taong pagkakasala ng Israel. At 40 na araw sa kanan rin, 1 day = 1 year rin ang computation. Lampas ng isang taon, mantakin mo! Lahat ng mga pinag-utos sa kanyang ito e mga metapora sa kataksilan ng Israel. At dito papasok ang pagluluto na ang gamit e ebs. 


430 days = 430 years, watak-watak na buhok = watak-watak na Israelita, atbp. May ibig sabihin rin kaya ang palandong sa ulo?  
Ito e para ilarawan sa mga Israelita ang tungkol sa pagdating ng paghihirap at paglagpak ng Israel dahil sa kanilang pagkakasala. Para sa konteksto, hetong Ezekiel 4:9-15: 
“Take wheat and barley, beans and lentils, millet and spelt; put them in a storage jar and use them to make bread for yourself. You are to eat it during the 390 days you lie on your side. 10 Weigh out twenty shekels[a] of food to eat each day and eat it at set times. 11 Also measure out a sixth of a hin[b] of water and drink it at set times. 12 Eat the food as you would a loaf of barley bread; bake it in the sight of the people, using human excrement for fuel. 13 The Lord said, “In this way the people of Israel will eat defiled food among the nations where I will drive them.”
14 Then I said, “Not so, Sovereign Lord! I have never defiled myself. From my youth until now I have never eaten anything found dead or torn by wild animals. No impure meat has ever entered my mouth.
15 “Very well,” he said, “I will let you bake your bread over cow dung instead of human excrement.” 
Kung ako sa inyo e babasahin ko ang buong kabanata o buong libro. 

Ito e banta sa hahantungan ng Israel pag nagpatuloy sila sa pagkakasala. Babagksak sila sa kamay ng mga kalaban nila at sa sobrang paghihirap e wala silang magagamit na panggatong sa pagkain nila, kundi ang mismong ebs nila. At bakit hindi na laang isadula ang mensaheng ito sa halip na literal na magluto sa harapan ng balana gamit ang panggatong? Dahil hindi pa ipinapanganak si Rusell Crowe? 

Ibang panahon, ibang paraan. Siguro kung sa panahon natin e mas epektib ang kumbinasyon ng Bumbay, Bandila, YouTube at social media para makaabot sa sensibilidad ng mga ulaga, e baka ang magpadala ng taong grasa ang mas epektib noon. Ewan ko rin dahil muka namang wa epek.

Nagbunga ba ang paghilata nang patagilid at pagluluto sa etsas ni Ezekiel para mapagbalik-loob ang mga Israelita? 

Aba'y hinde. Nagpatuloy ang Israel sa kanyang makasalanang pamumuhay at bumagsak ito sa pangkukubkob ng mga dayuhan. Pero, masisisi mo ba ang mga Israelita? Imagine-in mong nasa Quiapo ka at meron kang nakitang ganitong lalaking nakahandusay sa kalsada at kumakain ng lutong-etsas na pagkain, makikinig ka ba? Kung sa imbes na wirdong metapora at kwestyunableng itsura ng kanyang mensahero e dalawang lalaking nakapolong puti at naka-neck tie na itim ang pinadala niya e makikinig ka kaya. Tanong: Kelan ka nagpapasok sa bahay mo ng isang Kano at isang Pinoy na ganito ang suot para pag-usapan ang Dios?  


Naiimagine mo ba kung gaanong kabigat na paghihirap ang daranasin mo kapag sinuway mo ang Dios? Handa ka na bang kumain ng pagkaing lutong sa etsas? 

Kaya't Pinas, sa halip na mga lindol, bagyo at sakit sa balat ang kinatatakutan nyo, e itong babala ni Ezekiel na laang nag pakinggan nyo: Humingi ng kapatawaran, magtika at magbalik-loob sa Dios - kung ayaw nyong magluto sa tae! 


No comments:

Post a Comment