Monday, July 28, 2014

6 na kakaibang bagay na nalaan ko tungkol sa INC mula sa ex ko

Santambak ang articles sa newsfeed nyo sa Facebook ngayon dahil sa sentenaryo ng sektang kinaiinisan ng mga Ang Dating Daan at ng mga Katolikong nasora sa post kuno ng isang troll noong Yolanda.   

At naka-isang daan na rin pala ang Iglesia ni Cristo na minsan e ginusto kong bumukod ng Pilipinas. Isipin nyo: Bawal sa kanila ang makipagrelasyon sa mga hindi kaanib ng kanilang relihiyon. Sarado ang kanilang utak sa pananw ng iba't sila laang ang raw 'maliligtas'. Kung gayun din laang ang gusto nila, inisip ko noong dapat e bumili sila ng sarili nilang isla sa Pinas at doon na laang tumira nang hiwalay sa mga hindi kaanib para walang hassle. 

At sa mga panahong ako e susot na susot sa sitwasyong kinasasadlakan ko, ipinangako ko sa sarili kong kapag yumaman ako nang todo, bibilhin ko ang lahat ng kanilang sambahan at iko-convert at gagawing Iglesia ni Cristo Motel. Bago tumaas ang INC na kilay nyo lampas ng inyong noo, hayaan nyong ilahad ko ang pinagmumulan ng pait na ito - bahagi ng bigong love story ko noon ito.

Mapapansin sa mga karatulang hindi pa rin ako yumayaman.

Lahat gagawin ko sa larangan ng puso at puson. Hindi ako kumikilala ng relihiyon, kulay, taas, estado sa buhay, pagdating sa ngalan ng pag-ibig at ito ang dahilan kung bakit ang erehe kong mga talampakan e sumayad sa sahig ng templo ng mga INC. 

Para makaiskor sa tsik na ito, ako e sumama sa kanyang sumimba, este, sumamba. Matatandaang hindi ako sumisimba, kahit na mismo sa simbahan ng relihiyong pinili ng mga magulang ko noong ako e sanggol pa. Isipin nyo kung gaanong kalaking bagay para sa aking sumama sa isang pagdakila sa Dios sa isang relihiyong iba sa aking kinamulatan. 

Bago ito, nakasama rin ako sa mga bible studies ng mga Born Again at kung ano man ang tawag nyo sa propaganda ng mga Mormon na parang Electro Lux men. Nung nangyari ang mga iyon, hindi ko kelangang magbiis nang magara, magbyahe at maabala nang husto. Sa mga tanghaling tapat naman naganap iyon noong summber break ko noong high school. Ngayong pinag-iisipan ko ito, malaki rin pala ang isinakripisyo ko. Hindi ako nakapagsariling-sikap sa pagsama sa pag-aaral ng ilang berso sa Bibliya. 

Pero bukod sa hindi sila pwedeng kumain ng dinuguan at matinding kaaway sila ng Iglesia ni Soriano at kinaasaran nyo sila kapag nagdfudulot sila ng traffic, ano pa ba ang nalalaan nyo sa mga INC? Heto ang ilan sa mga nalaan ko:

1. Attendance

Kung sa catholic school na pinag-aralan ko noon e merong index cards para magtsek ng attendance, meron rin ang INC. Ang pinagkaiba laang nito e para sa lahat ito ng kaanib at hindi para sa mga estudyanteng pinipilit magsimba ng eskwelahang napili para sa kanila ng mga magulang nila. Meron silang tinatawag na tarheta at nakita kong ipinihit ng tsik ko ang kanya. 

Ipinaliwanag nyang kapag ilang beses kang hindi nakasamba, ituturing ka nilang iosang myembrong nanlalamig. At kapag gayon, binibisita ka ng nakatokang magtsek sa estado mo bilang myembro. Tatanungin ka kung bakit hindi ka nakakabisita't nakakalimot dumakila sa Panginoon. 

Pagpasok namin sa loob, natuklasan kong...

2. Hiwalay ang upuan ng mga lalake at bubae.

Isang katotohanang hindi pinaalam sa akin ng tsik nung niyaya nya ako, pwera na laang nung kami e papasok na sa loob. 

"Nga pala, magkahiwalay ang upuan ng mga lalaki at babae. Hwag kang mag-alala, magkatapat tayo mamaya ng upuan," sabi nya sa akin. 

At ganun nga ang nangyari. Pumili kami ng mga upuan kung saan magkatapat kami. Ang tanging naghihiwalay sa ming dalawa e limang metro ng konkretong sahig ng aisle, pero pwede kaming magpalitan ng mga erotikong tingin. How romantic. 

Meron kayang nagkakaselusang mga INC kapag merong katapat na ibang bubae sa samba ang mister/ BF nila?

"Sino 'yung katapat mo sa samba kanina? Umamin ka! Merong nakakita sa inyo."

Balita ko e sa ganito nabisto ang lalaki sa INC version. 
Ito ang lumilikot sa aknig imahinasyon, habang naghihintay ng pagsisimula ng pagsamba dahil walang makikitang pyesa ng art sa gusali ng misa dahil...

3. Sa imbes na krus, ang koro ang nasa harap ng samba.

Habang naghihintay ng pagsisimula ng samba, wala akong makausap. Pwera na laang kung trip kong makipag-usap sa mga estrangherong lalake't ianunsyo ko ang pagka-Katoliko ng relihiyon ko.

Nahiya laang akong magrequest ng 'Papuri  sa Dios' noon.
"Nasan ang krus ni Hesus? Nasaan ang mga santo? Saan ang sawsawan ng daliri para mag-antanda?" Ito ang mga tanong na ikalilikom ko ng "Lumayas ka, kampon ni Satanas" kung aking isasabunganga. 

Ilang minuto pa't nagsimula nang magsikantahan ang koro. At parang mga model platoon ng CAT, sabay-sabay sila kung maglipat ng pahina ng mga lyrics sa folder nila. Ako e napabilib. Mahusay, sabi ko sa sarili ko, habang ikinukumpara ko ang choir sa Tanza na inoorganan ni Aling Norma kapag hindi sya inaatake ng rayuma. 

Parang videoke, merong numero ang kanilang mga kanta at ito e pinapakita sa isang screen sa harap kung saan dapat naroon ang krus at altar ng mga Katoliko. Mas marami silang kinakanta nang sunud-sunod, 'di gaya ng sa Katolikong paisa-isa laang. 

Hindi ko alam kung praktis laang iyung pagkanta nila dahil maraming sunud-sunod. Anuman iyon, ang masasabi ko laang e pinupunan ng awit ang kakulangan ng mga bayolenteng imaheng nakasanayan ko sa simabahan ng mga Katoliko para malagay ang mga myembro sa mood na sumamba dahil...

4. Bumabaha ng luha sa mga samba.

At ilang minuto pa e dumating na ang ministro o kung anuman ang tawag nila sa pari nila. Nagsimula nang magsidasal ang lahat. O nagsimula nang isingit ng lahat ang kaya nilang isnigit sa pagitan ng kanilang walang humpay na paghagulgol. Sumpa man, alam kong ako e kilala sa paggamit ng exaggeration sa aking mga sinusulat, pero hindi simpleng iyak ang itatawag mo sa nagaganap na yaon. Hagulgol, palahaw, siphayo, ngawa, atungal - iyan ang mga mas bagay na katagang gamitin. Kung uso pa ang mga taga-iyak sa burol ng mga Intsik, sa INC sila dapat naghahanap ng mauupahan dahil sila ang da best sa larangang ito. Ito e kung hindi labag sa kanilang relihiyon ang umiyak sa kamatayan ng hindi kaanib. 

Sa Philippine Arena o Manalo Dome kaya ginanap ang kanilang sentenaryo? Kung gayon, malamang e pang-Guinness World of Records ito para sa pinakamaraming sabayang paghagulgol sa iisang gusali. 

Papayag kaya sila rito?: "This is WrestleMania XXXV and we are live at the Tithes Arena!"
Ang pagngawa kayang ito e nagagawa nila ng lingguhan? At kung gayon, ano ang kanilang ginagawa linggu-linggo para mabago ang sitwasyon para hindi na sila umiyak sa susunod na linggo? Nahahalata na kayang hindi ako INC dahil hindi ako umiiyak? Magpapanggap na rin ba akong umiiyak? Palalabasin ba 'pag natuklasang isa akong infidel?  

Sinubok kong tuklasin nung sumunod na linggo kung ganoon pa rin ang kanilang pag-iyak, pero hindi man laang ako nakatapak sa looban ng kanilang templo dahil...

5. Sinasarhan nila ang gate nila kapag nagsimula na ang samba. 

Kitang-kita ng mga mata kong infidel ang mismong pagsasara ng kanilang gate. Late ako ng isang minuto at wala na akong magagawa sa bagay na iyon, kundi ang mag-siomai sa Chowking.

Naalala ko tuloy ang isang sinabi sa ko volunteer na nagbabantay at humarang sa amin noong World Youth Day sa Luneta noong '95 at nagsabing sarado na raw ang daanang aming nilabasan ng mga ilang minuto laang ang nakalilipas: "Hindi nagsasara ang pinto ng langit."   

Sa susunod, agahan nyo nang hindi napagsasarhan
ng Pinto ng Langit.

Hindi pala uubra ang gayon sa mga INC. Hindi pala pwedeng gawin ang ginawa ng kapatid ko noong na-late sya sa misa dati. Nagsimba sya sa sumunod na misa hanggang umabot sya sa hindi nya inabutang bahagi ng unang misa, parang noong panahong pwede mong gawin ang gayon sa sinehan. 

Ganun pala sa kanila, sabi ko sa sarili ko. Hindi ba't dapat nilang tanungin ang sarili nila ng What Would Jesus Do o WWJD? At natuklasan ko rin sa samba, sa pangangaral nilang...

6. Hindi nila tinuturing na Dios si Hesus! 

Sa samba ko unang narinig ang Council of Nicea kung saan, kasama ang ilan pang bagay na pinagpasyahan, pinagbotohan ang divinity o pagka-diyos ni Hesus. Naniniwala silang iisa ang dios at ito e ang Dios Amang para sa mga Katoliko e 1/3 laang ng Holy Trinity. 

Kagulat-gulat para sa akin ito dahil hindi ko akalaing ang isang sektang merong nakakabit na Cristo sa pangalan e hindi naniniwalang diyos si Hesus. 

Hindi na ako umabot sa puntong malalaan ko kung ano ang ikapu o kung nandaraya ba sila sa porsyento ng kanilang sahod kung paanong ang iba e nandaraya sa kanilang buwis dahil hindi rin naman kami nagkatuluyan. Meron kasing sumibol na ibang love story sa akin at isang Katoliko. 



Thursday, July 24, 2014

5 bagay na magpaparami ng Facebook likes mo

Gigising ka ng umaga, mag-aalmusal, magkakape at magbubukas ng iyong mobile device at iche-check ang iyong Facebook. Titingnan mo ang notifications. Titingnan mo kung merong nag-like sa mga posts mo. Natuwa ba ang madla sa selfie mo? O sa litrato ng pagkain mo? Binilang mo ang mga likes mo at nalamang mas marami pa ang kuto sa isang kalbo kesa sa ‘likes’ mo at nakaramdam ka ng konting kirot sa puso.

Bakit hindi nila nagustuhan ang selfie mo? O ang pritong itlog na kinunan mo ng litrato at ginamitan mo pa ng filter sa Instagram? Uulitin mo itong pagtinging ito nang ilang beses sa loob ng isang araw para malaan kung nagkaroon ka na ng ‘likes’. Nagbibigay ka naman ng ‘likes’ sa iba, bakit hindi ka nakakatanggap?   



Pwes, baligtarin mo na ang nakangiwi mong labi at palitan ito ng ngiti dahil nadiskubre ko na ang mga posts na pihadong magpapabaha sa iyo ng mga likes. At bakit kako hindi ko na laang solohin ang ganitong impormasyon at bakit ko pa ipapamahagi sa FB-tizens? Ituring nyo akong Robinhood na nagnanakaw sa socially rich at nagpapamudmod sa mga socially poor.

Gaya nyo rin akong nagdarahop sa mga ‘likes’. Sa tatlo o apat na taon ko sa Facebook, ang pinaka-blockbuster ko nang dami ng ‘likes’ e 26, sa isang picture ko na me hawak na surfboard sa beach sa Bali. Palaisipan pa rin sa aking kung paano ako nakatsamba roon. 

Makalimang ‘likes’ sa isang araw e Pasko na para sa akin. Iniisip ko na laang na kung si Vincent Van Gogh nga e hindi na-appreciate sa panahon niya, ako pa kaya? Malamang ganun rin ako. Ang kelangan ko laang gawin malamang e kumuha ng labaha at tapyasin ang tenga ko at ibigay ito sa isang pokpok.

Ibaba mo na ang labaha mo at ikansel mo na ang plano mong maghanap ng isang bubaeng mababa ang lipad dahil iaahon kita sa kumunoy ng kawalan ng ‘likes’. Sundin mo laang ang mga kautusang ito:

1. Maging bubae.

Merong bubaeng inalayan ng 100 ‘likes’ sa kanyang post na picture sa loob ng isang oras. Hindi naman siya celeb at wala naman akong nakikitang kakaiba. Nanalo ba  sya sa isang pageant? Natanggap sa isang tarbaho? Pinarangalan ba sya ng isang community o organization? Hindi. Picture laang nya iyon habang merong kayakap na unan. Hindi pa siya nakasuot ng revealing na damit nun. Partida pa't walang cleavage na nakalitaw.



Kapag nagawa mong gawing bubae ang sarili mo, ewan ko, sa pamamagitan ng agham, fairy o genie o 100 000 likes sa Jesus Daily, hindi na magiging mahirap ang umani ng ‘likes’. Kahit ano ang gawin mo, basta’t nagpost ka ng pic, magkakaroon ka ng santambak ng ‘likes’. Kahit na iyan e nagbibitbit ka laang ng grocery bags, umiinom sa straw ng frappe mo o nagpakita ka laang ng bagong manicure mong kuko, dadagsa ang ‘likes’. 

At kapag ang ikaw e nagpagupit o binago mo ang hair style mo, para kang sumakay ng Time Space Warp kung saan ang lakas ng hatak mo ng ‘likes’ e dodoble o titriple ng lakas. 

Note: Kung bubae ka at kokonti pa rin ang likes mo, hindi ko alam kung ano ang problema sa iyo. Malamang e oras na para ilabas ang itinatagong cleavage. Kapag wa epek pa rin, magtwitter ka na laang para wala ka nang binibilang na likes.

2. Magpost ng picture ng anak mo.

Mas bata ang anak mo, mas mabenta. Hindi na aani ng ‘likes’ ang mga pictures o videos ng anak mo kung 23 years old na sya. Sino ba ang makakapagpigil na mag-like ng picture ng batang cute? Kung wala kang anak, hindi ito problema. Hindi ko sinasabing mag-ampon ka para laang dumami ang ‘likes’ mo. Ganun ka na ba kadesperadong maka-like? 

Ang ibig kong sabihin e maging isa kang Tiyo. Pag nataong gumagala kayo ng kapatid mo at ng pamangkin mo, magpakuha ka ng litrato kasama ang pinaka-cute na pamangkin para maging butihing tiyo ka sa Facebook. Hindi man ito kapareho ng kung mismong anak mo ang nasa pic, pero mas mabuti nang meron kesa wala.  



Pero, kwidaw ka dahil double-edged sword ito. Dapat mong pag-isipan ang ratio ng mga kaibigan mong me anak at wala. Kasi, kung ang mga ka-FB mo e mga single, sigurado akong maiirita laang sila sa iyo. Mga nanay at tatay laang ang merong biological impulse na ma-kyutan sa mga taong maliliit, merong maiigsing braso’t binti at malalaking ulo at sa mga batang nangmomolestya ng sikat na kanta sa kasalukuyan.

Ako ngang me anak na, hindi mabentahan ng misis ko ng video ng isang batang Pinoy na kumakanta sa palabas ni Ellen, ‘yun pa kayang mga suplado o supladang ayaw mag-anak.

3.  Mag-quote sa bible o mag-share ng posts ng Jesus Daily.

Sa isang bansang nadodomina ng mga Kristyano at itinuturing na isang bansang maka-Dios, natural laang na ang mga ganitong posts e papatok. Hindi mo kelangang maging sincere. Aba'y sino ba ang nakakaalam kung sino ang sincere? 

Madali laang iyong mga bible verses. Umiwas ka laang sa mga uri ng bible verses na nakalagay dito sa Jerboy Must Die! at ang mga nasa New Testament ang kukunin mo at panalo na iyon. Pinakablockbuster ang mga tipong tungkol sa love, faith at hope.



4. Magpost ng love and relationship quotes.

Bukod sa bible verses, ang isa pang patok na posts e 'yung mga shineshare na love and relationship quotes na hindi mo kelangang pag-isipan. Sino ba ang hindi pa nalalagay sa isang relasyon o hindi pa naiinlab sa mga kaibigan nyo? 

Aba'y sino ba ang kokontra sa mga propagandang kagaya nito? 




Meron nga pala - ako. 

5.  Magpost ng Memes.

Tayong mga Pinoy e mahilig sa katatawanan. Kung ang pagkain ang quickest way to a man's heart, ang patawa ang quickest way to a ton of likes. 

Gusto mo bang magpakwela nang walang kahirap-hirap? Magdownload laang ng meme generator app. Ni hindi mo nga kelangang mag-photoshop o mag-angkin ng kung anumang technical wizardry. Simple laang ito. Ito ang Ruby Rodriguez ng pakwela sa panahon ngayon. Anumang kakulangan sa kakayahang magpatawa e matatabunan ng 'nakakatawang' visuals.

Heto ang template:

First Line: ___________ (set up line)
Some photo: (Yung mga panget na muka)
Last line: ___________ (punch line)

Makisawsaw sa kung ano ang usong isyu. Vhong Navarro? Napoles? Bong Revilla? Rod Strunk? Sundin ang template at siguradong magiging hit ka sa mga kaibigan mo. Huwag mong limitahan ang sarili mo sa wall post laang. Pwede mo ring gamitin itong pang-comment sa mga kaibigan mo. Ito ang slapstick na papalit sa isang mahirap isiping witty comment.

Halimbawa:


Mandatory ang mali-maling punctuation.
Ngayon, kung hindi mo kayang maging bubae, magpost ng mga dasal para gumaling ang kanser ng isang random na bata, gumawa ng isang meme o wala kang balak mag-anak, pwede rin namang tandaang hindi sukatan ng pagkatao mo ang kakulangan ng likes. Ika nga rito sa ninakaw kong pic sa page ng Fight Club:




Sunday, July 13, 2014

Sinong ating kaasaran ngayong bumalik na si LeBron James sa Cavs?

Kumpirmado na: Nagbalik na ang alibughang anak na si LeBron James sa dati nyang koponang Cleveland Cavaliers. 


Bukod sa mga gusto kong teams, ang isa sa nagdudulot sa akin ng saya sa panoood ng NBA e ang kumampi sa sinumang kalaban ng Miami Heat noong huling apat na taon, kahit ang ibig sabihin nito e ang umasang mananalo ang isang team na merong player na kapangalan - pero iba ang spelling - ni Isiah Thomas.

Heto ang suma tutal ng naramdaman ko nitong huling apat na NBA Finals:

2011 - Buti nga't natalo ang nagsabwatang Big Three! (At yey, nagkampeon sina Dirk Nowitski at Jason Kidd.)

2012 - Kinailangan pang kumampi ke Wade para magkampeon! Shortened season pa dahil sa lock out. Asterisk!

2013 - Sayang na Game 6 at natanga pa ang Spurs, lalo na si Manung nagtae. At least, si Ray Ellen ang bayani run. Sinwerte laang sila dahil nabano ang Spurs.

2014 - Aba'y anupi?! Dapat nga e hindi na sila nakaisa nung isang taon e. (Plus: LeBroning)

Mababakas ang bitterness sa bawat tagumpay ng Heat at nag-uumapaw na kaligayahan sa tuwing natatalo sila. Itong huli e napaaga ang aking Pasko. Sobrang saya ko ikinukumpara ko ito sa isang okasyong ikinasisiya ko laang noong ako e bata pa.   

Hater

Hindi ko alam kung bakit itinuturing na masama ang maging hater. Meron pa bang ibang uri ng kahulugan ang 'hater' bukod sa pagkakaintindi kong 'one who hates something/ somebody'? 

Bakit parang nega ang dateng sa iba kapag hater ka? Baket pakiramdam nila e ikasasama ko ng loob ang masabihang hater ako ng isang bagay/ tao/ team? Masama ba'ng maging hater? Ewan. 

Pero, isang bagay ang malinaw: Ayoko talaga sa Miami Heat dahil sa sabwatan ng Big Three at ang pananalasa ng flops ng magbest friends na LeBron at Dwyane. Naiintindihan ko kung paanong merong mga nagfa-flop sa depensa. Inilalatag nila ang katawan nila sa rumaragasang opensa at minsan e kelangang iexaj para makita ng mga refereeng parang galing WWE ang banggaan. Hindi ko sinasabing tama ito. Mas gusto ko sanang gumawa ng rule na kapag nahuli kang nagflop e automatic foul, plus T. 

"C-c-call... 9... 1... 1!" -Wade
Pero ibang antas ng kabuwisitan ang mga nagfa-flop sa opensa, gaya nitong huli ni Wade na akala mong nalaglagan ng mata nung merong dumaang kamay ilang milya ang layo mula sa kanyang muka. At dahil ang mga ref e merong mga hindi nakikita sa mga nangyayare, minsan napapatawag talaga sila base sa reaksyon. Buti nga't na-fine si Dwayne Wade, kahit na ang ibig sabihin nun e barya laang 'yun kumpara sa milyones na kinikita nya sa paghihintay ng pasa ni James sa fastbreak at pagdedepensang matador. 

Bumubula na ang bibig ko, wala pa ako sa mismong aking punto. Awat muna, Jerboy. 

Ang ibig kong sabihin sa mahabang pasakalyeng ito: Kung meron kang bagay na gusto, meron ka ring bagay na kaiinisan, lalo na kung taliwas ito sa bagay na gusto mo. 

Sabwatan

Hinihiram ko ang halimbawa ng kapatid kong mahilig rin sa basketbol noong pumutok ang sabwatan nilang tatlo. Kapag ang mga naglalaro ng basketball sa kanto e nagpipilian ng mga magkakampi, pinaghihiwalay nila ng team ang mga mahuhusay. Ang mga pinakamahuhusay, sa larong kanto, e hindi magsasabwatan para lumakas ang kanilang team dahil walang kaligayahan kapag nanalo ka sa isang team na talagang mas mahina dahil nasa inyo ang malalakas. Ang gusto ng mahusay e matalo nya ang kabilang team na merong kasing-husay kung hindi man mas mahusay sa kanya. 

Ika nga ni Michael Jordan, hindi nya maimadyin na tatawagan niya sina Magic at Larry Bird para magkampi sa iisang team.  
"There's no way, with hindsight, I would've ever called up Larry [Bird], called up Magic [Johnson] and said, 'Hey, look, let's get together and play on one team.' But that's ... things are different. I can't say that's a bad thing. It's an opportunity these kids have today. In all honesty, I was trying to beat those guys."
At ngayon nga e umalis na si LBJ sa sabwatan nila ni Wade at bumalik sya sa tinalikdan nyang koponan. Meron pa rin ba akong dahilan para mainis sa Heat at ke James? At kung kagaya kitang hater ni LeBroning James...  

Dapat pa ba tayong mainis ke James?

Dahil nakasanayan ko nang masusot at kumampi sa kanino mang kalaban ni James, ewan ko kung ganun pa rin ang aking mind set. Malalaan ko sa sandaling makapanood ako ng laro nya sa susunod na season. Sa sandaling makikita ko ang kanyang mga putang inang LeFlops, malinaw na ang sagot. Nakakadiring panoorin ang isang mala-halimaw ang katawang player kagaya ni LeBron James na tumataob sa konting kanti.  

Nakapagtataka't hindi sya tumaob dito.
Aling James kaya ang makikita ko, ang LeFlops o 'yung nagdemolish nang solo sa Pistons sa Conference Finals noon? 

Tapos nito, ang susunod na tanong e: Kanino na ako maiinis ngayon? Sino na ang kontrabida sa buhay ko?

1. Dwyane Wade

Nangre-rape na tingin: Panibagong dahilan
para kainisan si Wade.
Una, dahil buset ang seplling ng pangalan nya. 

Pinaliwanag ko kanina ang dahilan ng pagkasusot ko ke Dwayne Wade - ang kanyang flops. Noong mga unang taon, ang focus ng aking pagkasusot e ke James dahil sa The Decision. Pero nitong huling taon, hindi laang nabaling, nilampasan nya pa ang pagkasusot ko ke James sa kanyang mga heinous flops. Ito at ang kanyang listahan ng modus operandi, este offense pala: 

  1. Peke, maghintay ng babagsak na defender, talon (kahit na pa-diagonal at hindi straight line), maghintay ng pito ng ref. Punta sa free throw at umiskor ng two o three points, depende kung saan makakabingwit.
  2. Saksak sa ring. Kapag sumablay, tumingin sa ref at sa madla at humingi ng simpatya. Maghintay ng pito ng ref. FTs. Kapag walang pito, umiling at ituring ang sariling parang Lauro Vizconde ng hindi makapaniwalang walang sala si Hubert Webb. 
  3. Tumira ng occasional three na kapag pumasok e tatawagin ng commentator na occasional three.
  4. Umasang magdedepensa ang mga kakampi dahil walang yagbols ang kanyang depensa. Maghintay ng fastbreak opportunity at sumaksak sa ring. Basahing muli ang ikalawang opensa.
Kung gusto nyong makita ang isa pang tumataginting na dahilan para kaasaran si Wade, hanapin nyo sa YouTube ang video ng depensang kiki nya nung Finals. 

Ang susunod na tanong e kung nakakaasar pa rin ba sya kung hindi na sila magkakampi ni James? Paano kung mapunta sya sa isang gusto kong team? Maasar pa rin ba ako sa kanya? 

2. Dwight Howard


Nababaklaan ako sa laro ni Dwight Coward. Kung ito e nagdadaro sa isang liga sa kanto, malamang lahat ng matatandang nanonood e iiling na parang mga matatandang taga-Mabolo sa mundo ng pelikulang Kamagong at sasabihing hindi pa kumpleto ang kanyang syam na pagbibilog ng buwan dahil kalaki-laki nya e buraot sya sa loob at hindi makashoot. 

Merong dahilan kung bakit tinawag na Dwightmare ang kanyang pagdadaro sa Lakers noon. Iyun nga laang, nakakaasar laang sya kung sya e nasa team na kinakampihan ko, gaya nung nag-Lakers sya. Nung sya e napa-Rockets, 'ala na akong pakelam. 

3. James Harden

Kung hindi nyo mapapansin ang talent ko,
at least matatandaan nyo ang balbas at mohawk ko.
Noong nagdadaro pa ako ng NBA Live sa PS, isa sa mga naging uso sa aming tatlong magkakapatid na mahilig rito ang bumuo ng sariling NBA teams. Kumukuha kami ng isang walang kwentang team, at tine-trade namin ang mga players para makabuo ng isang bagong team. Kalimitan e mga hindi superstar players ang aming kinukuha. Walang mga MJ, Kobe, Shaq, etc. Mga hindi kilalang players na merong magandang player stats ang aming kinukuha, minomolde at pinipilit gawing MVP. Parang exaggerated version ng nangyari ke Jeremy Lin nung nasa New York Knicks sya kumbaga.  

Isa sa mga season na nilaro ko e pinilit kong gawing maging magaling ang isang player na ang pangalan e Toby Bailey. Ito ang naging bansag namin magmula noon sa kahit sinong players na pinipilit naming gawing magaling na players kahit wala naman talagang ibubuga bilang main player at MVP contender. Ginagamit rin namin ito bilang isang verb. 

Ngayon ko laang nakita ang tunay na larawan ni Toby Bailey
dahil sa Google.

At iyon ang pinipilit gawin ng Rockets ke Harden. Tino-Toby Bailey nila si James Harden. Magmula ngayon, dahil wala namang nakakakilala ke Toby Bailey, ang gagamitin ko na e Harden. 

Ang problema e dahil wala naman talagang kwentang main man ang poor man's main man na si Harden kaya't walang kwentang kumampi kontra sa kanya. Hindi kapareho ng saya ko ang makita syang matalo, gaya ng kina Wade at James.

4. Serge Ibaka



Tinawag kong Ibakla si Serge noong hinimas niya ang yagbols ni Blake Griffin. Pero, wala naman akong magagawa kundi humanga sa kanyang husay. Meron akong soft spot sa mga players na magagaling dumepensa. Nakakabilib ang mga players na nakikipagbanggaan, tumatapal ng bola, umaani ng rebounds at nagiging dahilan ng fastbreak at pag-iskor ng team. Kitang-kita ang pagkawala niya sa playoffs kontra sa Spurs. 

Kaasaran ko laang siguro ito kung linggu-linggo niya gagawin ito at hindi na sya maglalaro nang matino.

5. Blake Griffin



Mas kabaklaan ang hindi sya gumanti ke Serge Ibaka nung sinaltik ang kanyang bayag. Kungsabagay, iyon malamang ang dahilan kung bakit umurong ito at wala syang ginawa. 

Halatang numinipis, gaya ng bumbunan ni Manu Ginobili, ang listahan ng kaaasaran kong players. Nawalan na ng kontrabida sa NBA. Iisa laang ang kaiinisan ko dahil dito: Si James. Tang 'na mo, James, dahil pinili mong hindi na kita kaasaran. 


Friday, July 11, 2014

The Raid 1 at The Raid 2: Ang ipapangalan ko 'pag nagkaanak ako ng kambal

Kung hindi nyo pa napapanood ang alinman sa dalawang pelikulang The Raid: Redemption o The Raid 2: Berandal, iyon malamang e dahil isa kang nagmomotorsiklong vigilanteng namamaril ng mga snatcher sa jeep at wala kang oras manood ng pelikulang aksyon. 

Ang The Raid 1 ate Indonesian action movies na merong international releases. Kung pwede mong ipalusot ang pagkapanganak mo sa maling bansa para hindi matikman ang martabak manis, hindi mo pwedeng gamitin itong palusot para sa sarili mo dahil meron namang internet, torrent at pirated DVDs para mabalitaan at mapasakamay mo ang kopya ng dalawa sa pinakamatitinding pelikulang aksyon sa kasaysayan ng cinema. Utang mo sa nakalaylay sa pagitan ng hita mo ang manood nito nang lingguhan para maalala mong nakakabit pa ito.  

Kapag nagkaanak ako ng kambal, pwede ring Redemption at Berandal ang ipapangalan ko.
Nung una kong napanood sa DVD ang The Raid: Redemption, nagpunta ako sa dentista kinabukasan para ipaghiwalay ang nakandado kong panga dahil sa makatigas-pangang aksyon nito. 

Buod ng The Raid 1: Redemption

Hindi mo na kelangang bisitahin ang IMDB page ng The Raid: Redemption para malaan ang buod dahil sa isang minutong pagsiyasat sa poster e alam mo na ang buong istorya. Umiinog ang kwentong ito sa bidang nagngangalang Rama, isang rookie police officer (na SWAT yata) na kelangang - spoiler alert - mang-RAID ng building para hulihin ang isang crime lord.  


Ang pinakamalaking problema ni Rama e ang maglakad nang hindi natitisod
sa mga bangkay at imbalido.
Sa tuktok ng building na ito nagtatago ang nasabing crime lord at sa bawat palapag e merong mga hukbo ng mga kawatan, adik, kawatang adik at kung anu-anong klase ng halang ang kaluluwang handang pumatay para makalibre laang ng renta sa building. At lahat sila e marunong mag-Indo-fu at me kakayahang makasakit at makapatay sa bida. Kapareho ng AI ng mga zombies sa Resident Evil video game franchise, sunud-sunod ang alon ng mga kawatang handang mang-ubos ng bala ng pulis gamit ang kanilang mga bungo. Ito e para ang mga mas mahusay sa Indo-fu e magkaroon ng tsansang mapatay ang mga parak kapag nagkaubusan na ng bala. 

Buod ng The Raid 2: Berandal

Dahil meron nang mas malaking budget matapos tumabo sa takilya ang unang The Raid: Redemption, nakayanan na ng filmmaker ang gumawa ng isang pelikulang merong kwentong mas kumplikado sa main objective ng video game na Elevator Action sa Raid 2: Berandal. 

Bago ang Nakatomi Plaza sa Die Hard, meron na nito.

Kung hindi nyo napanood ang The Raid: Redemption, hindi kayo dapat mag-alala sa pagkunekta ng kwento ng part 1 sa 2 dahil ang namiss nyo sa una e isang oras at kalahating training montage kung saan nagpapakita ng kahusayan sa pagbali ng buto at pagpatay ang bidang si Rama at kahit hindi nyo napanood ito e maiintindihan nyo pa rin ang The Raid 2: Berandal. Ang dapat ninyong ipag-alala e hindi ang namiss ninyong kwento, kungdi ang isang oras at kalahating training montage kung saan nagpapakita ng kahusayan sa pagbali ng buto at pagpatay ang bidang si Rama.

Madali para sa Pinoy na magkamali't isiping magkapareho ng ibig sabihin ang 'berandal' sa pamagat nito at ang Tagalog na 'barandal' sa dami ng mga pulis at kawatang bumabarandal sa bawat kanto't sulok ng mesa, dingding, pinto, kotse, hagdan, bakod, bintana, istante at kung anu-ano pang bagay na matigas. Ang totoo, ang ibig sabihin ng 'berandal', ayon sa IMDB, e 'thug'.



Ito e dahil kinailangang pumasok ni Rama sa oblo para makuha ang tiwala ni Uco, ang anak ng mob boss na si Bangung para makapasok sya sa sindikato nito at maimbestigahan kung sinu-sinong pulis ang nasa payola nila. Kung akong tatanungin mo, e para laang itong pizza delivery guy sa isang porn - isinasaksak para magkaroon ng dahilan para makapagsex ang mga tauhan. 

Sa kaso ng The Raid 2: Berandal, ito e para makapanggulpi ng 50 katao ang bidang si Rama sa parehong panig ng mga preso at gwardya. Dahil dito e binyayaan tayo ng dalawang malulupet na gulpihan: una, sa isang cubicle ng banyo kung saan sinagupa si Rama ng 15 pusakal at paisa-isa nyang pinapasok sa pinto ang mga tarantado at inala-Hot Gates sa pelikulang 300 at pangalawa, sa riot sa putikan laban sa mga karibal na gang at mga nang-aawat  na gwardya.


Nung ganap nang nakuha ni Rama ang tiwala ni Uco, nakapasok sya sa sindikato nito. Habang nasa sindikato sya e napagitna sya sa napipintong management coup sa pagitan ng mag-amang namumuno nito. Pinakumplika pa ito ng gerang napipinto kontra sa dalawa pang karibal na sindikato - ang lahat ng ito para magkaroon ng pagkakataong makalikom ng bundok ng imbalido't bangkay ang bida. Hindi ko na ikukwento dahil hindi gaya ng unang pelikula, meron itong istoryang ala-Infernal Affairs - yun e kung ang ginamit ni Tony Leung sa imbes na Morse code e kamao.

Nagkamal ng santambak ng sugat at nagpatak ng sandamakmak na dugo si Rama sa raid na ito. Ang huli kong napanood na tauhan sa isang pelikulang dinugo nang ganito e 'yung main character sa bayolenteng soap opera ni Mel Gibson at kahit ito e umasa pa sa resurrection sa ikatlong araw, hindi gaya ni Ramang naglakad sa sarili nyang mga paa hanggang sa magtaasan na ang mga pangalan ng nagsiganap sa pelikula. Ang hindi ko laang maintindihan e kung bakit wala pang nagsusulputang kultong sumasamba ke Iko uwais sa puntong ito. 

Para magkaideya kayo sa sinasabi ko, panoorin nyo itong video clip na ito mula sa The Raid 2: Berandal. Bibigyan ko kayo ng limang minuto. Kung hindi na kayo nagpatuloy sa pagbabasa nitong blog na ito, alam kong nagtagumpay na ako sa pagkumbinsi sa kahusayan nito. 

Mapapanood ito rito sa youtube clip na ito: Gang War.

Ang eksenang iyan e deleted scene laang! Iyang napakalupet na eksenang iyan na pipwede nang stand-alone short film e napagtanto ni Gareth Evans, direktor, na hindi karapat-dapat sa kabuuan ng kwento ng The Raid 2: Berandal. Isipin nyo ang lineup ng Miami Heat noong taong nagkampeon sila sa unang pagkakataon at imadyinin nyong dapat sana e starting point guard nila si Rajon Rondo, pero pinakawalan nila dahil hindi na nila kailangan. Parang ganun ang eksenang ito. 

Tinanggal nila ito dahil sa kabuuan ng pelikula, kokonting beses laang ginamit ang baril - at iyon e ginamit laang ng mga nag-aabalang mag-aksaya ng oras na mag-apply ng lisensya sa paghawak ng baril o pagbili ng paltik sa halip na ituon ang oras sa pag-aaral ng Indo-fu. Ang mga sandata ng magkapatid hitman na sina Hammer Girl at Baseball Bat Man e sa Ace Hardware at Toby's laang nila binibili dahil maigsi ang pila at hindi makakasagabal sa oras ng kanilang ensayo.  


Ang armas nila at ang kanilang kasarian ang pangalan ng dalawang kontrabidang ito sa credits.

Kapag nangangalay na sa kakagamit ng kanyang katawan bilang sandata ang mismong pinakamalupet na hitman ng sindikato, na tinagurian kong Indonesian Manny Pacquiao, gumagamit sya ng armas na maikukumpara sa mga taring ginagamit ng mga manok sa sabungan. 


Pwedeng gamitin ng mga Pro Gun movements ang pelikulang itong pampropaganda pangontra sa mga anti-gun movement. Sinumang makapanood nito e mapapagtanto at mapapasang-ayong mas makatao pang mamatay sa punglo kesa maibarandal nang walang humpay sa bawat kanto ng konkreto. 

Unholy Trinity: Gareth Evans, Iko uwais at Yayan Ruhian

Iko Uwais as Rama.
Mala-The Expendables ba ang dating ng larawang ito? Iyon e hindi dahil sa gusto nilang mang-rip-off sa The Expendables, kundi para ipamuka sa kanilang sa imbes na Chuck Norris at isang parada ng lumang action stars, ang tanging kelangan ng pelikula e ang tunay na martial artist na si Iko Uwais at ang mga gumaganang bahagi ng kanyang katawan. Hindi ito isang homage, isa itong diretsahang hamon sa Hollywood at action movies nilang talamak sa CGI. 

Kung napanood nyo 'yung dalawang huling Die Hard e alam nyo na kung ano ang tinutukoy ko. Hindi naman masama ang special effects, pero para sa isang action movie ang hinahanap ko e mga tunay na artista't stuntmen na gumagawa ng mga makabali-ng-leeg na stunts, hindi cartoon sa isang computer. 

Ang malupet pa nito sa dalawang pelikulang ito e bukod sa pagiging bida, si Iko Uwais rin ang fight choreographer nito, kasama ang partner nyang si Yayan Ruhian, ang gumanap na Mad Dog sa unang The Raid at Prakoso, ang taong grasang assassin sa pangalawa. Mas umaangat ang paghanga ko sa dalawang ito dahil para silang John Lennon at Paul McCartney na lumilikha ng sarili nilang kanta sa pinilakang tabing.

Panoorin nyo ito para malaan kung bakit ngayon e
lagi kong pinapakinggan ang 'Sarabande' nio Handel.
Mahahaba ang mga shots ng action scenes kaya't kumikinang at tumataginting ang husay ng mga artistang tunay na marunong mag-Indo-fu sa kanilang mga eksena. Pinaltan ng direktor na si Gareth Evans ang ballet-like gun-fu ni John Woo noon ng ballet-like violence ng pencak silat - ang tawag sa Indo-fu martial arts na pinamalas sa pelikulang ito. 

At hindi nyo matatawag na no-brainer ang pelikula dahil sa mga poster e meron kayong makikitang mga larawan ng dahong karaniwan nyong nakikita sa ibabaw ng tenga ni Francisco Balagtas. Ibig sabihin nito e meron itong mga napanalunang award/s sa mga film festivals na malamang e sa kategorya ng "The Best Movie in the World from 1400s Onwards". 

Kung meron ka mang mairereklamo rito, ito e 'di gaya ng The Raid 1: Redemption, sumubok si Gareth Evans na lagyan ng kwento ito. At gaya ng karaniwan sa mga kwento, meron itong drama at hindi gaano sangkot si Iko Uwais sa pagganap sa mga eksenang ito. Parang ipinagpaliban sa tisoy na artistang gumanap ke Uco at 'yung mala-Pen Medinang gumanap ke Bangun ang akting sa pelikulang ito. 

Kung si Pen Medina 'yung tatay, si Paolo Conti naman 'yung anak.
Pero, para sa akin e tama ang desisyong ito. Iwan ke Tom Hanks ang pagsaulo ng script at pagkilala ng nunances ng karakter at iwan ke Iko Uwais ang pagsaulo kung saan lalapag ang mga suntok at sipa nya para hindi maubos ang budget ng pelikula sa pagpapa-orthopedic o pagpapalibing sa mga stuntmen na kaeksena niya. Naiimadyin nyo ba si Peter North na nag-aabala sa script, bukod sa kung saan tatama ang money shot?

Teka, bago kayo ma-turn off nung isiningit ko ang katagang 'drama', wala ritong love interest na gaya ni Adrian (Talia Shire) na kumokontra sa pagra-Rocky ni Rocky sa Rocky. Mga tatlong minuto laang siguro sumulpot sa pelikula ang asawa ni Rama: natutulog sa 1 at kausap saglit sa telepono sa 2. Sa sobrang igsi ng role nito, pipwedeng palitan ng isang prop na wedding ring ang kanyang asawa para ipaalam sa ating meron syang pinahahalagahang mga tao sa buhay, kundi laang ginawa na rin ito ke Prakoso at ang kanyang locket na merong larawan ng kanyang anak.

At saka nung... Inaawat ko na ang sarili ko sa pagsusulat at mag-aaral akong mabuti ng Bahasa Indonesia para sa susunod na ilabas ito sa Indonesian cinema e hindi na ako mag-aalangang manood nito nang walang English sub.