About the Author's Peklats

Dahil alam kong wala kayong pakelam kung sino talaga ako, hayaan nyong ikwento ko na laang ang sari-saring peklat ko sa katawan kesa gumawa ako ng about-the-author page. 

Do you want to know how I got these scars?


SCARFIE: Ambag kong bokubolaryo sa social media.

Peklat #1

Meron akong isang mala-pasas na peklat sa aking kaliwang binti. Ganun ang kulay, hugis at laki. Pag hinipo mo e malambot at medyo kulubot. Mas kulubot pa rin ang pasas 'pag pinagkumpara mo ang isang California raisin at ang nakausli sa aking binti, pero hindi naman ako nagkapeklat sa binti dahil gusto kong magkaroon talaga ng pasas. Hindi nababawasan ang pagkapasas ng peklat kong mala-pasas dahil laang mas pasas ang tunay na pasas kesa rito. Basta, meron akong pasas sa binti. 

Buong buhay ko e hindi ko alam kung ano ang pinagmulan nito. Hindi ko nga alam na peklat noon iyon dahil hindi naman ganoon ang mga peklat. Mas mapagkakamalan pa itong balat o malaking nunal o anumang kaabnormalang meron ako nung ako e ipinanganak. 

Nalaan ko laang ang katotohanan nang mga dalawang taon laang ang nakakaraan. Kinukwento ng nanay ko sa misis ko kung gaano ako kalikot noong ako e bata pa. Habang naglalaba raw ang ina ko dati e narinig nya akong humihiyaw. Pag tiningnan naman nya e mukang walang problema. Hindi raw matukoy ng nanay ko kung ano ang problema at babalik sya sa paglalaba. Tapos, mauulit yung hiyaw. Misteryo raw sa kanya iyon hanggang natyempuhan nya't nakitang isinusuksok ko sa isang electric socket ang isang tinidor. Wala pa kong dalwang taon nun, pero parang tinutuklas ko na kung magkakaroon ako ng superpowers na me kinalaman sa kuryente. 

Hindi ko rito nakuha yung aking pasas, pero sa katambal na kubyertos ng tinidor. Ininit ko raw ang isang kutsara sa kalan at idinampi ko sa aking binti ang namumulang dulo ng kutsara. At dun ko raw nakuha iyon. Hindi ko na maalaala ang nangyari, hindi ko rin alam kung ilang taon ako nun. Basta, sobrang bata ko pa para maalala nung ako e lumaki. Kung kinunan laang ng nanay ko ng video iyon dati, malamang e meron na akong 50000 hits sa YouTube ngayon. 

At bakit nga ba hindi kinukwento sa akin ng nanay ko iyon dati? Ang alam ko tinanong ko sya noon nung ako e first year high school habang ako e humahagulgol sa isang sulok ng bahay matapos akong tawaging pasas ng kalaro ko. 

Sa ngayon e humupa na ang pasas at kapantay na laang ng ibang bahagi ng binti ko, pero narun pa rin ang itim na peklat. Kumbaga e naging 2D na laang. 

Peklat #2
Meron akong magkakambal na peklat sa likod ng ulo ko. Nakuha ko iyung una noong ako e grade 3. Naglalaro kami sa swing sa playground noon. Malaking swing iyon, yari sa tone-toneladang adamantium, pabilog at merong bubong. Imadyinin nyong parang isang kotse sa Ferris wheel o kaya e cable car ang itsura noon, kaso bukas. Pwede itong mag-upo ng hanggang anim na bata, dalawang pares ng tatlo ng magkakaharap na bata. Tandaang ito e nung panahong hindi pam-pussy ang playground at mga death trap ang mga playground equipment. Hindi gaya ngayong sa sobrang safe na ng mga playground na puro gawa sa plastik at nababalutan ng mga pads e pwede kang mag-iwan run ng mental patient nang hindi naka-straight jacket.

Recess nun at merong high school student na nagtutulak nung swing na yon habang nakaupo sa loob ang mga kaibigan ko. Nakigaya ako't nakitulak. Buti sana kung simpleng tulak laang iyon, pero dahil mataas na ang swing kinakailangan kong tumalon, kumapit sa sandalan ng upuan ng swing at bitawan iyon sa tamang sandali para makatapak sa lupa at maulit ang aksyong. Sa isa sa pagtulak na iyon, sumbalay ang aking timing, hindi ako nakabitaw agad at nakaladkad ako sa ilalim ng swing. Hindi ko alam kung ilang beses nagpabalik-balik iyong swing, pero isang putok sa ulo laang ang tinamo ko. Siguro e napigilan iyon nung high school student bago magkaroon ng prayer vigil sa Catholic school na pinag-aralan ko. Tagas ang dugo ko noon at nakatanggap ako ng ilang stitches. 

Peklat #3

Ang sumunod e nung naglalaro kami ng basketbol sa aming compound nung ako e grade 6. Tumilapon ang bola papuntang bubong ng bahay ng pinsan ko. Inakyat namin iyon at kinuha ang bola. Ito e noong panahong kahit saan e makakakita ka ng basketbol ring na para sa maliit na bola: sa mga compound, gaya nung sa amin, sa gitna ng kalsada o kahit saang merong bakanteng lupa. Hindi gaya ngayong ieenroll pa nga magulang ang mga anak nila sa mga summer basketball clinic para laang makalaro ng basketbol. 

Kung nagtataka ka kung bakit kaming lahat pa ang umakyat sa bubong at hindi isa laang sa amin o bakit hindi namin pinakuha sa isang responsableng adult e iyon dahil hindi ka batang lumaki nung 80s. Para sa aming mga batang 80s e isang Disneyland ride ang umakyat ng bubong. Hindi ko pa rin naiiintindihan kung bakit hindi umaakyat ng bubong ang mga bata ngayon pag tanghali ng Sabado. Nariyan naman ang mga bubong na pwedeng akyatin, wala nga laang puno ng aratiles o kamatsile, pero para silang mga bubaeng bagong-ligo at amoy-shampoo, hindi nga laang pinapansin ng mga bata. Umakyat nga laang ng silya ang anak ko e todo saway na ang misis ko. 
Sa panahon ngayon, kailangan pa ng act of God para ma-appreciate ng mga bata ang saya ng bubong.
Walang problema sa pag-akyat. Walang aberya. Nabawi namin ang bola. Makakapagpatuloy na sana kami sa pagbabasketbol. Isa-isang bumaba ang mga pinsan ko. Ang bubong noong bababaan namin e pawid. Extention laang iyon ng mismong bahay. Bubong laang iyon ng poso. Bawat isa e tumalon pababa. Yung babagsakan naman kasi e hindi kataasan, mga kasing-tangkad laang ng isang small forward sa mga inter-color na liga ng mga senior division. 

Ewan ko kung ano ang nagbunsod sa aking tumakbo sa pawid at tumalon nang dire-diretso. Dahil ba sumisigaw ang nakababata kong kapatid ng "Si Kuya Jerome e magli-Lito Lapid!" o talaga laang kakambal ako ng aksidente? Ang alam ko nung narinig ko iyung huling syllable na -pid e nakahandusay na ako sa lupa at kanlong na ng tisoy na mala-Matt Ranillong asawa ng kapitbahay naming kung tawagin ng ama ko e "Ang Pinakamaswerteng Bubae sa Balat ng Lupa". Putok uli ang ulo ko at me kasama pang baling siko na pinahilot ko ke Mang Sixtong taga-Malabon. 

Base sa naaalala ko, nasilat ang aking paa sa pawid at natisod ako. Bumagsak akong una ang ulo at kamay na pinangtukod sa babagsakan ko. 

Peklat #4-65

Ang ibang peklat na natamo ko e noong ako e 27 anyos na. Buong buhay ko, lagi akong nakakaligtas pag nauuso ang bulutong. Naimbento na malamang ang bakuna sa bulutong noon, pero pina-bahala na ng mga magulang ko ke Batman kung mabubulutong ako. Meron naman akong bakuna sa ibang sakit. Ang tanging dahilan laang kung bakit hindi siguro ako pinabakunahan ng mga magulang ko, partikular na ng nanay ko, e dahil para magamit niyang panakot sa akin iyon kapag ayokong matulog nang tanghali. "Hala, magbilad ka nang magbilad sa araw kung gusto mong magkabulutong!" 

Yun e nung panahong hindi na ako naniniwala sa sinasabi nyang Manunupot at buong tigas ang ulo akong umaakyat sa mga puno at bubong. Ang Manunupot, para sa mga hindi nakakakilala, e isang mala-boogeyman character na nandarampot ng mga bata. Pinunan ng aming mga imahinasyon ang kakulangan ng detalye ng Jabberwocking inimbento ng aming mga ina. Walang magkakasundo sa mga batang 80s kung ano ang itsura o modus operandi nito dahil tanging imahinasyon laang namin ang pinapagana. Iniisip ko ngayon, bakit hindi laang baka damputin kami ng kidnapper kesa mag-imbento ng manunupot. At naisip kong sa late 90s pa mauuso ang kidnapping at mga massacre noon.  
Ilang dekada ng pamemeste na rin pala ni Kris Aquino.

Nauso ang bulutong sa compound namin at sa eskwelahan. Bawat school year yata nagkakaroon at nakakaligtas naman ako. Pagdating sa bulutong ako e Palos. Siguro pinagdarasal ng nanay kong hwag akong magkabulutong nung mga panahong iyon para meron syang panakot at nang sya e matahimik sa mga tanghaling nakikipagtalo ako't ayokong matulog. 

Nung 27 anyos na ako't hindi ko na pinepeste ng mga kakulitan ang nanay ko e tumigil na malamang ang kanyang pagdarasal na huwag akong magkakabulutong. Sigurado akong tumigil na sya noon dahil dun nasira ang aking Streak na mas mahaba pa sa Streak ni Undertaker sa WrestleMania. Gaya ng mga magulang ko, ako e naging guro na rin at nagtatarbaho na noon. Nauso noong isang school year ang bulutong kung kelan panahon ng final exams at recognition day. 

Isa sa mga estudyante kong Grade 2 e pinapasok ng mga magulang para kumuha ng exams. Magaling na raw ang anak niya, pero pangako ko sa inyo, pwede nyong gamitin ang balat niya para ituro sa klase ang iba't ibang layer ng skin, mula epidermis hanggang subcutaneous tissue. Mas sariwa pa sa bagong-huling isda sa pandawan ang mga sugat nya at bumubusang parang popcorn sa perya. Sa madaling salita, nahawa ako sa batang ang pangalan e Gio Bocalan. Oo, Gio Bocalan, natatandaan ko ang pangalan mo. 

Kasabay ng pagpapasyon ni Hesus sa anti-semite na pelikula ni Mel Gibson e nagdurusa rin ako sa kaitsurahan ng muka ko noon. "Ang mala-prinsipe kong muka! O hindeeee!" 
Tumigil na kasi sa kanyang nobena ang ina mo!
Kumupas rin yung mga peklat kong galing sa bulutong at hindi naman ako nagmukang si Two Face o kaya e si Hound. Sa ngayon e hindi ako naghahanap ng bagong peklat na idedekorasyon ko sa katawa't muka ko. Pero, kung mgakakaroon man ako e gusto ko e kagay ng ke Draco sa Voltes V para astig o kaya ke Nick Fury sa The Avengers na pelikula. 

Update as of February 2016

Peklat #66-69

Noong Enero 2015 inoperahan ako sa aking gallstones. (Basahin ang kwento ng aking gallstones at ang diyetang nagpababa sa aking timbang ng 10 kg!)

Apat na hiwa ng laparoscopic na operasyon sa gall bladder

Peklat #70

Isa pang peklat ang dumagdag sa akin nonog 2015. Nasa bar ako noon at merong nambastos ng isang bubae. Ipinagtanggol ko ito at sinapok sa muka ang isang lalaki. Nung palapit ang kanyang kaibigan, sinundot ko ito sa mata at inihagis sa bar. Sumagadsad ito at nagtauban ang mga bote ng isang case ng beer na katatapos ko laang inumin. Tapos, pinagsalpok ko ang mga ulo ng dalawa pang lalapit sa akin. Kinuwelyuhan ko naman ang isa pa at inihagis sa labas. Basag ang salamin at kumaripas silang lahat ng takbo. 



Okey, ang totoo nito e habang nasa Manila Zoo ng Bandung kami ng asawa't anak ko e merong bumagsak na sanga ng puno mula sa kung saan at sa dinami-dami ng babagsakan e ang ulo ko pa ang napili. Nawa'y wala nang madagdag na peklat uli at baka wala nang paglagyan sa muka at katawan ko.


4 comments:

  1. HAHAHAHAHA Tawa lang ako ng tawa sa post na to. Lalo na sa peklat 4 - 65. HAHAHAHAHA

    ReplyDelete
  2. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  3. Hahaha... tawang-tawa na naman ako derek. Hindi ka pala namin nahawaan ng bulutong nung 2nd year tayo. Eh d ba magkakalapit lang tayo ng upuan? Si Alain ata pasimuno ng bulutong noon eh. Wala tuloy ako sa class picture ng ii-understanding ��

    ReplyDelete